Nakabalik na sa kani-kanilang mga bahay ang 305 na mga pamilya o 1,331 na mga indibidwal ng bayan ng Kapatagan, Lanao del Norte na kailangang lumikas noong gabi ng June 21, 2023, dahil sa baha dala ng walang tigil na pag-ulan dulot ng Inter-tropical Convergence Zone.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Iligan kay Kapatagan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Junelyn Pepito, pinauwi na ng madaling araw ng June 22, 2023, ang mga apektadong residente matapos na makitang bumaba na ang lebel ng tubig-baha sa ilang mga barangay.
Siniguro din na bago pauwiin ang mga residente na pinakain muna sila ng “hot meals” at pinabaunan ng food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa lokal na pamahalaan ng Kapatagan.
Walang naiulat na namatay o nasaktan sa nasabing pagbaha dahil agad na nilang ipinatupad ang preemptive evacuation kahit nasa yellow warning pa lamang ang pag-ulan.
Agad namang inumpisahan ang clearing operations sa mga barangay na apektado ng pagbaha tulad ng Barangay Tipolo, Balili, Sta. Cruz, Concepcion, Donggoan at Lapinig.
Katulong ng LGU-Kapatagan sa paglilinis ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang stakeholders.
Madadaanan na rin ng lahat ng klase ng sasakyan ang national road mula Maranding, Lanao del Norte papuntang Taguitic at Pagadian City.
Muling ipinaalala ng opisyal ang kahalagahan ng koordinasyon sa tuwing may weather disturbance upang maiwasan ang malubhang pinsala at pagsunod agad ng mga residente sa mga babala na ipalalabas ng LGU sa pamamagitan ng MDRRMO. | ulat ni Biema Minoza | RP1 Iligan