Nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang aabot sa mahigit 2,000 biktima ng human trafficking kabilang na ang ilang dayuhan.
Ito’y matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng ACG at ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Brgy. Almanza Uno, Las Piñas City kagabi
Ayon kay PNP-ACG Spokesperson, Police Captain Michelle Sabino, higit 1,500 sa mga nasagip ay pawang mga Pilipino, habang ang nalalabi ay pawang mga dayuhan.
Pinakamarami sa mga ito ay pawang nagmula sa China, Malaysia, Indonesia, Taiwan, Myanmar, Vietnam, Singapore, Thailand, gayundin sa India, Africa, at iba pang mga bansa mula sa Gitnang Silangan.
Ikinasa ang naturang operasyon matapos makakuha ng Search Warrant mula sa korte dahil sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Sinabi ni Sabino na nagpapakilala umanong trabahador mula sa isang online casino ang mga nasagip at nag-ooperate mula tanghali hanggang hatinggabi ngunit ilan lamang sa mga ito ang pinapayagang lumabas ng compound.
Nabatid na biktima rin ng illegal recruitment ang mga naturang dayuhan na pinangakuan ng malaking suweldo. | ulat ni Gab Humilde Villegas