Arestado ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport – Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang babae na kukuha lamang sana ng parcel.
Ito’y matapos matunugan ng mga awtoridad na naglaman ng mahigit 1 kilo ng ecstacy ang nasabing parcel na kukunin sana sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic road, Pasay City.
Nabatid na nagmula ang nasabing parcel sa isang Maria Suarez ng General Brubbelstraat, Belgium at nakapangalan naman sa isang Charito Casamello ng Manuyo Uno, Las Piñas City bilang consignee.
Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Customs – NAIA ang nasabing parcel nang idaan ito sa x-ray machine bilang bahagi ng initial inspection
Subalit nang buksan, nakita ang mga laman nito tulad ng headpones, tumbler dresses gayundin ang isang chopping board at tumambad ang nasa mahigit 1.4 kilo ng ecstacy na nagkakahalaga ng Php 4,964,000.
Dahil dito, agad inaresto si Casamello at kasamang itinurnover ang nakumpiskang kontrabando sa kostudiya ng PDEA para isailalim sa mas masusing imbestigasyon gayundin ang pagsasampa ng kaukulang kaso.| ulat ni Jaymark Dagala