Pansamantalang nabalam ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA kaninang hapon kasunod ng malakas na buhos ng ulan sa malaking bahagi ng Metro Manila dulot ng thunderstorm.
Dahil dito, kinailangang itaas ng Manila International Airport Authority o MIAA Ground Operations and Safety Division ang Lightning Red Alert sa paliparan dakong alas-3:52 ng hapon.
Layon nitong mapag-ingat ang mga tauhan ng paliparan gayundin ang mga pasahero nito sa peligrong dulot ng masamang panahon.
Mag-aalas-4:00 ng hapon nang bumuhos ang napakalakas na ulan sa Metro Manila na sinamahan pa ng malalakas na pagkulog at matatalim na kidlat.
Gayunman, agad ding binaba sa Yellow ang Lightning Alert makalipas ang mahigit 1 oras o dakong alas-5:14 ng hapon matapos tumila ang ulan. | ulat ni Jaymark Dagala