Sa pagdiriwang ngayong araw ng Migrant Workers’ Day ay ipinaabot ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang papuri sa lahat ng Overseas Filipino Workers o OFW.
Aniya, hindi matatawaran ang malaking ambag ng mga OFW sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Katunayan noong 2022 umabot sa 36.136 billion US dollars ang personal remittance na ipinadala ng mga OFW, katumbas ito ng 8.9% ng kabuuang GDP ng bansa.
“Dahil sa mga ipinapadalang remittances ng ating mga OFWs sa kanilang pamilya, hindi lamang nagiging magaan at maayos ang pamumuhay ng kanilang pamilya sa Pilipinas, kundi naitutulak din nito ang paglago ng ekonomiya ng ating bansa…To our OFWs — we extend our deepest gratitude for your dedication and unwavering spirit. I assure you that you have a voice in the halls of Congress and an ardent champion in policymaking.” saad ni Magsino.
Dahil naman dito dapat aniyang tugunan ng gobyerno ang iba’t ibang hamon at isyu na kinakaharap ng migrant workers gaya ng human trafficking, pang-aabuso, pagpapalit ng kontrata, mataas na placement fee at gawa-gawang criminal chargers na nauuwi pa sa pagkakakulong.
Paalala ni Magsino na mandato ng pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW at tiyakin na may umiiral at iginagalang na bilateral labor agreement na poprotekta sa ating mga kababayan na nagta-trabaho abroad,
Magkagayonman, pangarap pa rin ng party-list solon na ang pagta-trabaho sa ibang bansa ay maging ‘free choice’ na lamang at hindi dahil sa dala ng pangangailangan.
Kaya naman lalo pa aniya dapat pagsumikapan na makapagbukas ng trabaho para sa mas maraming Pilipino.
“Ang pagtatrabaho sa abroad ay dapat naka-ankla sa bukas na kagustuhang magtrabaho; hindi dahil sa sapilitang pakikipagsapalaran dahil sa kawalang oportunidad sa kanilang bayan. Kaya’t kailangan din natin tutukan ang mga polisiya na magbibigay ng full employment dito sa Pilipinas”, dagdag ng kinatawan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes