Kasalukuyang nagsasagawa ang PNP ng malawakang manhunt sa mga responsable sa pananambang kagabi sa Brgy. Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, na nagresulta sa pagkamatay ng 2 pulis at pagkasugat ng 4 pa.
Kasabay ng pagtiyak na gagawin ng PNP ang lahat para panagutin sa batas ang mga responsable sa insidente, ipinaabot din ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng dalawang nasawing pulis na sina Pat. Bryan D Polayagan at Pat. Saipoden Shiek Macacuna.
Pinuri din ni Gen. Acorda ang katapangan sa labanan na ipinamalas ng apat na sugatang pulis na sina Patrolman Arjie Val Loie Pabinguit, Patrolman Abdulgafor Alib, Police Staff Sgt. Benjie Delos Reyes, at Police Chief Master Sgt. Rey Vincent Gertos, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Sinabi ni Acorda na minobilisa ng PNP ang Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Maguindanao Del Sur Provincial Police Office (MDS-PPO) and 41st Specia Action Company ng Special Action Force (SAC-PNP SAF), para magsagawa ng hot pursuit operations laban sa mga salarin.
Nanawagan din ang PNP Chief sa suporta ng mga lokal na komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na makakatulong sa mabilis na pagdakip sa mga suspek. | ulat ni Leo Sarne
📷: PNP-PIO