Kinalampag ng isang kongresista ang Senado na pagtibayin na rin ang kanilang bersyon ng Early Voting Bill oras na magbalik sesyon ang Kongreso sa susunod na buwan.
Ayon kay Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez, malaking tulong aniya kung maging ganap na batas ang panukala lalo na para sa nalalapit na October Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Kamakailan lang nang i-anunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) na magsasagawa ito ng pilot test para sa mas maagang pagboto ng ilan sa vulnerable sector.
“I suggest that our beloved senators make the approval of our House Bill No. 7576 allowing early voting for senior citizens, persons with disability, pregnant women, and other vulnerable sector members their top priority shortly after we reconvene on July. It is important that Congress approves the bill soon so it could be sent to the President for signing into law ahead of the October grassroots elections,” ani Rodriguez.
Sa ilalim ng House Bill 7576, pitong araw na mas maaga maaaring makaboto ang registered senior citizens, persons with disabilities (PWDs), mga abogado at health care workers kaysa sa itinakdang petsa para sa national at local elections.
Kailangan lamang nilang magpatala sa isasagawang registration ng COMELEC.
Ani Rodriguez, kung malagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukala ng Agosto, ay magkakaroon pa aniya ng tatlong buwan ang poll body upang maghanda at magsagawa ng information campaign para sa early voting. | ulat ni Kathleen Jean Forbes