Bilang pakikiisa sa mga battered husband ngayong Father’s Day ay muling humirit si Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez na maisabatas na ang Divorce Bill.
Aniya, mabigat na responsibilidad ang pagiging ama at haligi ng tahanan kaya’t kailangan nilang magpakatatag.
Ngunit may mga pagkakataon din aniya na mismong mga tatay ay umiiyak, nasasaktan at nahihirapan lalo na kung nasa isang magulo, mapang-abuso, at hindi masayang pagsasama.
“Sa mga mag-asawa, meron ding mga battered husbands na madalas nakakalimutan nating bigyan ng pansin, isinasantabi dahil sa pag-iisip na okay lang dahil lalake naman. Pero hindi dapat ganoon, dapat bigyan rin natin sila ng pagkakataon na makalaya sa mga ganitong sitwasyon. Ang lalaki, nasasaktan din.” saad ng mambabatas.
Umaasa si Alvarez na sa pamamagitan ng pagsasaligal ng diborsyo ay mabibigyang pagkakataon ang mga lalaking asawa na makalaya mula sa mental at emotional stress upang mas maging mabuting mga ama.
“Tulungan din natin ang mga tatay! Mahalagang reporma ang divorce legislation. If we succeed, we provide fathers the opportunity to address their mental health and emotional well-being so that they can be better fathers to their children. When these foundations are firmly set, they also become better and more productive citizens of our country. This Father’s Day, let us celebrate fathers’ resilience, strength, and dedication to their families and the Filipino nation.” dagdag ni Alvarez.
Sa kasalukuyan, ay pumasa na sa committee level ang panukalang isabatas ang diborsyo.| ulat ni Kathleen Jean Forbes