Pina-aamyendahan ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang Insurance Code of 2013 upang maitaas ang Compulsory Third Party Liability Insurance (CTPLI) ng mga sasakyan.
Ipinunto ng kongresista sa kaniyang House Bill 8498 na panahon nang taasan ang insurance ng mga sasakyan upang matulungan ang pamilya ng mga nasasawi sa vehicular accident, lalo at tumataas ang bilang ng road accident sa bansa.
“Katulad na lamang po nitong fuel tanker na nakasagasa at nakapugot ng ulo ng motorcycle rider. Kaya po ang increase na ating ipinapanukala ay dedepende sa bigat at klase ng serbisyong ibinibigay ng commercial motor vehicle,” paliwanag ni Lee.
Mula sa kasalukuyang ₱100,000 CTPLI kada aksidente, ipinapanukala ni Lee na itaas ito sa ₱6.7-million.
Ang ₱15,000 No Fault Indemnity na makukuha ng isang pasahero o pedestrian na namatay dahil sa vehicular accident ay gagawin namang ₱1-million kung ang sasakyan ay may gross vehicle weight (GVW) na hanggang 4,500 kilogram; at ₱2-million naman kung ang GVW ay mahigit 4,500 kgs.
“…Alam po nating hindi matutumbasan ng pera ang buhay ng isang tao. Pero kapag naipasa po ang panukalang batas na ito, mabibigyan ng sapat na bayad pinsala ang lahat ng mga naaksidente at ang kanilang mga pamilya,” dagdag ng kinatawan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes