Nakapagtala ng 308 rockfall events ang Mayon Volcano sa nakalipas na 24 oras.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nakitaan din ang bulkan ng pag-collapse ng pyroclastic density current (PDC) na tumagal ng tatlong minuto at dalawang volcanic earthquake.
Bukod dito, patuloy pa rin ang mabagal na pagdaloy ng lava na abot na sa 2.5 km sa Mi-isi gully at 1.8 km sa Bunga gully at pagguho ng lava hanggang 3,300 meters mula sa crater.
Kahapon, nagbuga ang bulkan ng 744 tonelada ng sulfur dioxide at nagpapatuloy pa ang degassing activity nito.
Nananatiling nasa alert level 3 ang status ng bulkang Mayon at patuloy pa rin ang pag-aalburoto. | ulat ni Rey Ferrer