Magpapatupad ng mga pagbabago ang Manila Electric Company o Meralco sa lifeline rates nito.
Ang lifeline rate ay ang subsidiya na ibinibigay ng Meralco para sa mga kwalipikadong low-income customer nito.
Ayon kay Meralco Vice President at Spokesperson Joe Zaldarriaga, kailangan matukoy ang mga residente na nakikinabang sa lifeline rate ng Meralco lalo na ‘yung mga nakatira sa condominium at subdivision.
Aniya, hindi kasi ito kasama sa maituturing na marginalized sector at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Lumabas kasi sa pagdinig ng Kongreso na may ilang nakatira sa mga high-end condominium ang nakatatanggap ng nasabing subsidiya sa kanilang electric bill.
Paliwanag ng Meralco, mga benepisyaryo ng 4Ps at mga customer na nasa mas mababa sa poverty threshold ang puwedeng makapag-avail sa lifeline rates.
Nasa 20 percent hanggang 100 percent na diskwento naman ang maaaring matanggap ng mga benepisyaryo depende sa konsumo ng kanilang kuryente. | ulat ni Diane Lear