Pinaalalahanan ng isang mambabatas ang Meralco na higit pa sa ibayong pag-iingat ang dapat nitong pairalin sa pagbibigay serbisyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kasunod ito ng 37-minute power interruption sa NAIA Terminal 3 noong June 9.
Pag-amin ng Meralco, nagkaroon ng pagkakamali ang tauhan ng MServ na nagresulta sa pagkawala ng suplay ng kuryente sa NAIA Terminal 3.
Ang MServ ay isang subsidiary ng Meralco na nagsasagawa ng system audit sa electrical facility ng NAIA.
“Lubhang pag-iingat o extraordinary diligence ang dapat na hindi makalimutan ng Meralco pagdating sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Meralco is a business imbued with public interest. It cannot be lax or reckless in doing its job,” sabi ni Yamsuan.
Humingi naman na ng paumanhin ang Meralco sa insidente ngunit giit ni Yamsuan, bagamat hindi kasing lala at tagal ng nakaraang power outages sa paliparan ay muli na naman nabahiran ang imahe ng bansa sa mata ng international community.
Pitong flight ang na-delay dahil sa power outage. Paalala pa ng party-list solon na sa ilalim ng New Civil Code, ang isang kumpanya ay maaaring papanagutin sa pinsalang dulot ng kanilang empleyado. | ulat ni Kathleen Forbes