Pinaplano na rin ng National Housing Authority (NHA) na magbukas ng mga Kadiwa Store sa mga resettlement site ng pamahalaan.
Ayon sa NHA, bahagi ito ng hangarin ni General Manager Joeben Tai para makatulong din na magkaroon ng murang pagkain sa mga pabahay.
Kaugnay nito, nakipagpulong na si NHA Assistant General Manager Alvin Feliciano kay Department of Agriculture (DA) Assitant Secretary Kristine Evangelista para sa isasagawang Kadiwa sa mga site kasama ang mga magsasaka.
Ayon kay AGM Felicino, dahil sa farm-to-market ang istilo ng Kadiwa, makasisigurong mura at sariwa ang mga produktong ibebenta gaya ng bigas, gulay, karne, isda, itlog, at iba pa.
Target ng NHA na simulan ang pilot testing ng inisyatibo sa susunod na buwan bago ilunsad sa ibang bahagi pa ng bansa.
Bukod dito, balak din simulan ng NHA at DA ang techno demo seminars, urban gardening, value adding training, seedling distribution, at mga ibang programang makatutulong sa kanilang kabuhayan. | ulat ni Merry Ann Bastasa