Kinasuhan na ng Inter-Agency Committee Against Trafficking Task Force ng Department of Justice (DOJ) ang private orphanage sa Quezon City na Gentle Hands Incorporated (GHI).
Ito ay matapos ireklamo ni Ginang Monina Espinosa Roxas na kilala rin sa pangalang Juvy Roxas Espinosa, dahil sa kabiguang ibalik sa kanya ng bahay ampunan ang tatlong menor de edad niyang anak.
Kasong kidnapping at serious detention ang inihain laban sa may-ari ng GHI.
Kaugnay nito, mahigpit nang sinusubaybayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kaso.
Ipinunto ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na tinutulungan nila ang mga magulang na may concern laban sa GHI.
Pansamantalang isinara noong Mayo 25 ang establisimyento sa Project 4, Quezon City at sa Baliuag, Bulacan, dahil sa iba’t ibang paglabag.
Binawi rin ng Bureau of Fire Protection Quezon City Fire District ang fire safety inspection certificate ng GHI, matapos kakitaan ng maraming paglabag sa Fire Code. | ulat ni Rey Ferrer