22 panukalang batas na resulta ng trabaho ng first regular session ng 19th congress ang nakapila na para sa pag-apruba at pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bago tuluyang magsara ang sesyon ng senado kagabi para sa sine die adjournment, ibinida ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga nagawa ng mataas na kapulungan sa unang taon ng 19th Congress Senate.
Ayon kay Zubiri, apat na priority bills ng administrasyon ang isang hakbang na lang mula sa pagiging isang ganap na batas – ito ang Maharlika Investment Fund bill, panukalang condonation ng utang ng mga agrarian reform beneficiaries, panukalang regional specialty centers, at pagpapalawig ng deadline ng estate tax amnesty.
Anim na panukalang batas naman na naaprubahan ng senado ang ganap nang naging batas.
Kabilang na dito ang SIM Registration Act, suspensyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at ang amyenda sa AFP fixed term law.
Bukod sa pagpapasa ng mga panukala, ibinida rin ng senate leader ang mga ginawang imbestigasyon ng senado na tumalakay sa iba’t ibang isyu gaya ng agricultural smuggling, peace and order, human trafficking at maling paggamit ng pondo ng bayan. | ulat ni Nimfa Asuncion