Sa pagdiriwang nito ng ika-10 anibersaryo, ibinida ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) ang mga policy reform na itinataguyod nito para mai-angat ang agri at fisheries sector sa bansa.
Ang PCAF ay ang itinuturing na policy-making arm ng Department of Agriculture na nakatutok sa pagbibigay ng boses sa mga agri-fishery stakeholder para mapalawak ang kanilang partisipasyon sa pagbuo ng mga programa na makabubuti sa sektor.
Ayon kay PCAF Executive Director Nestor Domenden, ilan lang sa mga naisakatuparan na nito ang pagbuo sa mga commodity industry roadmap na nagsisilbing blueprint ng mga sektor para umangat ang kanilang productivity.
Malaki rin ang naging papel ng National Sectoral Committees sa ilang panukalang batas gaya ng Agricultural and Fisheries Mechanization o AFMech Law, TRAIN Law, Coconut Levy, at Rice Tariffication Law.
Sa ilalim naman ng administrasyong Marcos, nakatutok ang PCAF sa hangad ng Pangulo na makamit ang food security.
Kabilang sa itinataguyod nito sa ngayon ang Rice Industry Roadmap na layong maabot ang pinakamataas na rice sufficiency level sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa