Nakikiisa ang mga senador sa pagdadalamhati ng pamilya at ng mga Pilipino sa pagpanaw ni dating Senador Rodolfo Biazon.
Ang ilang senador, inalala ang kanilang karanasan at mga natutunan nang makasama nila si Biazon sa Kongreso.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, nakasama niya si Biazon noong 14th Congress bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) at tinuruan siya nito kung paanong magiging mas epektibong CA member.
Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na naging seatmate niya si Biazon sa Kamara noong 15th Congress at hindi ito nag-atubiling bigyan siya noon ng advice at paggabay.
Si Senador Sherwin Gatchalian naman ay nakatuwang aniya si Biazon noong 16th Congress sa paggawa ng ilang panukalang batas, kabilang na ang Reserve Officers Training Corps (ROTC) Bill.
Kinilala naman ni Senador Robin Padilla ang prinsipyo bilang sundalo at mambabatas ni Biazon.
Ipinunto naman ni Senador Jinggoy Estrada, na nakasama si Biazon noong 13th at 14th Congress, ang hindi nito matatawarang passion sa pagseserbisyo-publiko at ang advocacy nito para sa low-cost housing at pagpapataas ng benepisyo ng mga sundalo.
Inilarawan naman ni Senador Risa Hontiveros si Senador Pong bilang maaasahang kaalyansa ng mga kababaihan na nakiisa sa pagpapasa ng Reproductive Health Law.
Para kay Senador Bong Revilla, isang sagisag ng totoong opisyal at gentleman si Biazon na ibinigay ang kanyang buhay para sa pagsisilbi sa Pilipinas at mga Pilipino.
Habang ipinahayag ni Senador Grace Poe na nawalan man ng magaling na sundalo at mambabatas ang bansa ay hindi naman makakalimutan ang mga nagawa ni Biazon sa militar at sa Kongreso.
Samantala, ibinahagi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isasagawa ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang necrological service para kay dating Senador Pong Biazon sa Lunes, June 19, alas-10 ng umaga. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion