Nagpaabot na rin ng kanilang pakikiramay at pagdadalamhati ang buong hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa dati nilang Chief of Staff na si dati ring Senador Rodolfo “Pong” Biazon.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Medel Aguilar, ginampanan ni Biazon ang napakahalagang papel sa pagtatanggol sa demokrasya ng bansa at pagtatauyod sa integridad ng Sandatahang Lakas.
Bilang mambabatas, napagtagumpayan ni Biazon ang mga mahahalagang batas na siyang nagtataguyod sa karapatan gayundin sa kapakanan ng sambayanan.
Si Biazon ay nagsilbing AFP Chief of Staff mula Enero hanggang Abril ng taong 1991 na siya ring kauna-unahang miyembro ng Philippine Marines na naupo sa pinakamataas na posisyon sa militar.
Dagdag pa ni Aguilar, magpapatuloy ang mga iniwang legasiya ni Biazon upang magbigay-inspirasyon sa mga susunod pang mga henerasyon ng mga kawal ng bayan.
Maliban sa paglalagay sa halfmast sa lahat ng watawat ng Pilipinas sa mga Kampo Militar, ibibigay din ng AFP ang lahat ng uri ng pagkilala at pagpaparangal kay Heneral Biazon bilang dati nilang Pinuno.| ulat ni Jaymark Dagala