Humihingi ng pang-unawa at kooperasyon ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasahero dahil sa mas marami pang lightning alerts ang inaasahan dahil sa masamang panahon at mga lightning strikes ngayong tag-ulan.
Ito ay matapos maglabas ang MIAA ng Red Lightning Alert na tumagal ng dalawang oras na siyang naging dahilan upang magkaroon ng delay sa departing at arriving flights sa paliparan.
Ayon pa sa MIAA, inilalabas lamang ng MIAA Airport Ground Operations and Safety Division ang Red Lightning Alert kung kinakailangan, kung saan pansamantalang sinususpinde ang lahat ng flight at ground operations ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hanggang sa maibaba ito sa Yellow Lightning Alert kung saan balik na muli ang flight at ground operations sa paliparan.
Binigyang-diin rin ng MIAA na mahalaga ang mga lightning alerts na inilalabas sa NAIA upang pangalagaan ang kaligtasan ng mga pasahero, flight crew at ng mga airport ground personnel.
Sinabi rin ng MIAA na may close coordination sila mga airline, ground handlers, air traffic services at iba pang stakeholders upang maibalik sa normal ang mga aktibidad sa loob ng paliparan. | ulat ni Gab Humilde Villegas