Muling tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang kanilang pangakong tatapusin ang ginagawang electrical audit gayundin ang pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad.
Ito ay para hindi na maulit ang nangyaring power outage partikular na sa NAIA Terminal 3 noong Mayo 1, at nito lang Hunyo 9 na nakaapekto sa libu-libong pasahero.
Ayon sa MIAA, nakipagpulong na sila sa MServ at Manila Electric Company (MERALCO) upang ilatag ang kanilang komprehensibong plano para matiyak na walang detalyeng makalulusot sa imbestigasyon.
Ayon kay MIAA Officer-in-Charge Bryan Co, napatunayan naman ng MServ ang kanilang kapasidad at kakayahan batay sa kanilang track record, at naibigay naman nila ang angkop na serbisyo sa electrical systems sa NAIA.
Maliban sa electrical issues, sinisikap na rin ng MIAA ani Co, ang mabilis na pagpapalit ng ilang bahagi ng paliparan tulad ng mga passenger boarding bridge, chillers, pag-upgrade ng taxi way at expansion ng CCTV coverage.
Gayundin ang digitalization ng airport operations at passenger system, maging ang pagdaragdag ng immigration counters na siyang gagarantiya sa mabilis at maaluwal na pagbiyahe ng mga pasahero. | ulat ni Jaymark Dagala