Makikipag-ugnayan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Office of the Solicitor General para sa posibilidad na maghain ng mosyon laban sa inilabas na temporary restraining order para sa No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes, posibleng maghain sila ng mosyon sa Korte Suprema upang i-konsidera ang pagbawi sa TRO laban sa NCAP.
Ipiprisinta aniya ng MMDA ang mga nakalap na datos mula nang suspendihin ang implementasyon ng NCAP.
Kabilang na rito ang pagtaas ng kaso ng mga naaaksidenteng motorista sa huling quarter ng 2022 at pagdami ng mga traffic violation.
Sa katunayan, nito lamang Mayo ay umabot sa 32,739 ang naitalang traffic violations na naging sanhi ng mga aksidente at pagbagal ng trapiko.
Dagdag pa ni Artes, nahihirapan silang ipatupad ang EDSA Busway Carousel Lane dahil hindi magamit na pangsuporta ang CCTV sa panghuhuli ng mga motorista. | ulat ni Hajji Kaamiño