Nakapagtala ng 28 volcanic earthquakes kabilang ang pitong volcanic tremors ang Bulkang Taal sa nakalipas na 24-oras, halos doble ito sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kahapon.
Ayon kay Science Research Specialist Eric Arconado ng Taal Volcano Observatory, patuloy ang magma degassing o pagkawala ng volcanic gas sa magma na dulot ng mataas na sulfur dioxide flux na umabot sa 5,024 tonelada.
Patunay lamang aniya ito na bilang isa sa pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas, ang Bulkang Taal ay mayroong complex behavior kaya’t pabago-bago ang galaw nito.
Mataas din ang steaming o pagsingaw ng bunganga ng Bulkang Taal na umabot sa 900 metro.
Nananatili pa ring nakataas sa Alert Level 1 o low-level unrest ang Bulkang Taal. | ulat ni Hazel Morada