Sa ika-8 sunod na taon ay muling nakatanggap ang Navotas local government ng “unmodified opinion” mula sa Commission on Audit (COA) para sa pinakahuling Annual Audit Report nito.
Ito ang pinakamataas na rating na ibinibigay ng COA sa mga pampublikong institusyon na nangangahulugang maayos at tapat ang paggasta ng isang LGU sa pondo ng bayan.
Ikinalugod naman ni Navotas Mayor John Rey Tiangco ang natanggap na mataas na COA audit mark ng pamahalaang lungsod.
Aniya, tanging ang Navotas pa lang ang LGU sa Metro Manila na nakatanggap ng sunod-sunod na ‘unmodified opinion’ sa COA mula noong 2016.
Para sa alkalde, sumasalamin ito sa transparent at tapat na pamamahala ng pondo ng LGU para sa pagpapatuloy ng serbisyo publiko.
“Our 8-year streak is a testament to our transparent and honest spending of city government funds. Mindful of our limited resources, we made sure that we used every cent of our people’s money for projects and programs that would serve their best interests,” ani Mayor Tiangco.
Kasunod nito, nagpasalamat rin ang alkalde sa lahat ng mga kawani ng pamahalaang lokal sa kanilang dedikasyon at patuloy na pagsisilbi sa mamamayan. | ulat ni Merry Ann Bastasa