Nakahanda na ang pulisya para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa July 24, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Edgar Alan Okubo, nasa 22,081 ang inisyal na itinalaga para ikalawang SONA ng Pangulo ngayong taon; 17,000 Kapulisan ang magmumula sa NCRPO habang nasa higit 4,000 naman ang manggagaling mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Mayroon ding 500 na karagdagang indibidwal ang magmumula sa mga volunteer groups/force multipliers. Kasama na sa nasabing bilang ang 4,405 na bubuo sa Reactionary Standby Support Force, na siyang magsisilbing augmentation/strike force na handang magbigay ng karagdagang pwersa kung kakailanganin.
Pangunahing bibigyang pansin at seguridad ang Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang SONA at ang 31 border control points na ilalatag sa mga kilalang lugar na entry at exit points ng Metro Manila.
Nakahanda na rin ang mga Civil Disturbance Management contingents, kung sakaling may mga grupong magsasagawa ng di-mapayapang kilos-protesta sa mga ipinagbabawal na lugar, upang maiwasan ang anumang banta sa kaligtasan ng publiko.
Pinaalalahanan din ni Police Maj. Gen. Okubo ang publiko na mula 12:01AM ng July 24, hanggang 12:00MN ng July 25, 2023 ay suspendido muna ang “Permit to Carry Firearms Outside Residence” sa Metro Manila. | ulat ni Gab Humilde Villegas