Walang kapangyarihan ang Professional Regulation Commission (PRC) na magbigay ng temporary license para sa mga nursing graduate na hindi pa nakakapasa sa board exam.
Pahayag ito ni PRC Commissioner Jose Cueto Jr., kasunod ng rekomendasyon ni Health Secretary Ted Herbosa, na i-hire muna ang mga non-board passer na nakakuha ng 70% to 74% na grado sa nursing board exam upang mapunan ang kakulangan sa nurse ng mga pampublikong ospital.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng opisyal na ang Republic Act no. 9173 ang batas na sinusunod para sa pagpa-practice ng nursing sa bansa.
“Sa Section 21 po ay may probisyon na practice through special or temporary permit na nag-a-apply lang po sa licensed nurses from foreign countries.” — Cueta
Base aniya sa probisyon nito, tanging ang mga licenced nurse mula sa ibang bansa ang maaaring mabigyan ng special o temporary permit sa Pilipinas.
Ibig sabihin, wala aniyang nakapaloob sa probisyon ng batas na ang PRC o anumang government agency ay maaaaring magbigay ng temporary license sa mga hindi pa nakakapasa sa board exam. | ulat ni Racquel Bayan