Ipinag-utos ngayon ng Office of the Civil Defense 11 (OCD 11) sa lahat ng local disaster risk reduction and management office na i-monitor ang kani-kanilang lokalidad mula sa provincial hanngang sa barangay level dahil sa sunod-sunod na pagbuhos ng ulan bunsod ng Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Sa isinagawang AFP-PNP Press Corps Southern Mindanao Media Briefing, inihayag ni OCD 11 Operations Division Head Franz Irag na kailangang nakaalerto ang mga local DRRMO sa posibleng pagbaha o landslide dulot ng mga pag-ulan lalo na’t papasok na rin ang rainy season.
Ayon kay Irag, partikular na ipinahahanda nila ang mga kagamitan sa search and rescue, relief goods at evacuation centers.
Dagdag ng opisyal, pinayuhan din nito ang mga local DRRMO na magsagawa ng inventory ng evacuation centers para agad itong magamit kapag magsasagawa ito ng preemptive evacuation.
Nanawagan naman si Irag sa mga tao lalo na ang mga residente sa mga coastal barangay sa Davao Region na sumunod sa mga awtoridad kapag magpapatupad ito ng preemptive evacuation. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao