Aabot sa ₱15.82 bilyon ang inilabas na cash loans ng Pag-IBIG Fund sa unang apat na buwan ngayong taon, kung saan mas mataas ito ng limang porsyento, kumpara sa ₱15.10 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar, na miyembro rin ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, aabot sa higit pitong daang libong miyembro ang natulungan ng Pag-IBIG sa pamamagitan ng multi-purpose loan.
Samantala, sinabi naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na hindi lamang makakapag-apply ang mga miyembro ng Pag-IBIG ng multi-purpose loan sa kanilang mga sangay, kundi pati na rin sa kanilang website at sa kanilang Virtual Pag-IBIG app.
Sa kabuuan, nakapaglabas ang Pag-IBIG Fund ng ₱16.44 bilyon na halaga ng short term loans sa 766, 258 miyembro nito noong Enero hanggang Abril kung saan kabilang dito ang halagang inilabas sa ilalim ng Pag-IBIG Multi-Purpose Loan at ang ₱620 milyon na halaga ng inilabas na Calamity Loan ng Pag-IBIG sa 37,605 miyembro nito. | ulat ni Gab Villegas