Pinag-aaralan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad na ibaba na ang kasalukuyang Alert Level 4 ng tanggapan, para sa Myanmar.
Sa gitna pa rin ito ng gulo na nararanasan doon.
“Actually, iyong mga ligal, they are in Yangon – hindi doon magulo. Back to normal or business as usual iyong Yangon at saka Mandalay, so it’s very possible na i-lift na natin iyong alert level para sa kanila. A decision we will be making in the next few weeks.” —Usec. de Vega
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ni DFA Usec Eduardo de Vega na sa oras na maibaba na ang Alert Level ng DFA para sa Myanmar, mapapayagan na ang mga umuwing Pilipino na legal na nagta-trabaho sa Myanmar na makabalik doon.
“Hindi magiging back to normal, in other words, uulitin ko po. Hindi pa kami mag-o-authorize ng new workers sa Myanmar. Kapag ma-lower iyan, puwedeng Alert Level 2, ang ibig sabihin ng Alert Level 2, restricted. Ang puwede lang pumuntang trabahador sa Myanmar ay iyong mayroon ng work visa doon dati pa.” —Usec. de Vega
Ibig sabihin para lamang ito sa mga una nang employed sa Myanmar, at hindi para sa new deployment.
“Iyong new deployment, hindi pupuwede pa dahil, iyon nga, may gulo pa sa bansa, may iligal trafficking pa so siyempre ang unang policy natin is protection.” —Usec. de Vega
Sabi ng opisyal, siya mismo ay tutungo sa Myanmar sa katapusan ng buwan.
“Tinitiyak lang namin na safe muna talaga iyong Yangon. So I have to see for myself, and then afterwards ay puwede na nating i-lower iyong alert level.” —Usec. de Vega
Gagawin niya aniyang basehan ang biyahe iyon para sa pinal na rekomendasyon kaugnay sa Alert Level.
Base sa pinakahuling datos, nasa 150 Pilipino ang na-repatriate ng pamahalaan, mula sa Myanmar.
“Nakapag-repatriate na tayo lagpas 150. Mayroon pang mga 50 siguro o 30, so naghahanap pa tayo ng paraan na maiuwi sila.” —Usec de Vega. | ulat ni Racquel Bayan