Iginiit ni Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada na dapat maging maingat sa pagkonsidera at pagtalakay ng isyu tungkol sa pension ng mga military at uniformed personnel (MUPs).
Pinahayag ito ng senador kasunod ng isinusulong ng economic team ng administrasyon na bagong scheme para sa MUP pension
Ayon kay Estrada, kailangang pag-usapan ang kritikal na isyung ito pero hindi dapat ito minamadali.
Kailangan aniyang makahanap ng sistema na magiging katanggap tanggap para sa lahat.
Pinunto ng mambabatas na inilaan ng mga military at uniformed personnel (MUP) ng bansa ang kanilang buhay sa pagseserbisyo at pagprotekta ng Pilipinas.
Kaya naman, dapat aniyang matiyak na maibibigay sa mga MUP ang marangal na pagreretirong karapat-dapat sa kanila.
Gayunpaman, iginiit ni Estrada na dapat pa ring ibalanse ito sa pangangailangan na magkaroon ng agaran at komprehensibong reporma para masiguro ang stability ng ekonomiya ng bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion