Isinusulong ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang isang panukala na magmamandato sa Department of Agriculture (DA) na bumuo ng isang National Agricultural Crop Program para maiwasan ang anumang pagsasayang ng mga gulay, prutas, at iba pang food products.
Sa ilalim ng inihaing Senate Bill 2264 ng senador, aatasan ang DA na tukuyin ang mga agricultural lands at ang mga partikular na pananim o produkto na angkop sa natural resources ng isang rehiyon at pag-aralan ang nararapat na dami ng ani na dapat gawin sa kada harvest season.
Nakasaad rin dito ang pangangasiwa at regular na pagmo-monitor at pag-update ng DA ng isang inventory ng lahat ng agricultural lands kasama na ang mga pananim sa bawat rehiyon.
Ayon kay Dela Rosa, layon nito na makapagbigay ng sapat na suplay ng mga produktong pang-agrikultura at maiwasan ang sobra-sobrang pag-ani ng isang produkto.
Isinusulong rin ng panukala ang pagsasagawa ng DA, katuwang ang ibang related government agencies, ng patuloy na pananaliksik at pag-develop ng iba pang produktong pang agrikultura na maaaring itanim, linangin, at anihin sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion