Kumpiyansa si Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagkakatalaga kina Secretary Gilbert Teodoro bilang bagong kalihim ng Department of National Defense (DND), at kay Secretary Teodoro Herbosa bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH).
Sa isang pahayag, sinabi ni Zubiri na welcome at suportado niya ang pagkakatalaga sa dalawa.
Ayon sa senate president, si secretary Teodoro ay isa nang tried and tested na public servant at naniniwala siyang mapamumunuan nito ng mahusay ang DND, lalo na sa gitna ngayon ng tensyon sa ating karagatan.
Samantalang tama naman aniya ang timing ng pagkakatalaga kay Secretary Herbosa lalo at kakapasa lang ng kongreso ng panukalang Regional Specialty Centers Act, at umaasa siyang mapangungunahan nito ang whole-of-nation approach sa pagpapabuti ng public health services sa Pilipinas.
Giniit ni Zubiri, na sa pagkaka-appoint kina Teodoro at Herbosa ay natugunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang mahalagang isyu ng ating bansa, ang territorial integrity at ang ganap na pagbangon mula sa pandemya.
Inaasahan ng senate leader, na ang pagkakatalaga sa dalawang bagong miyembro ng gabinete ay makapagdudulot ng malaking bentahe sa laban ng bansa para sa isang ligtas at malakas na Pilipinas na suportado ng isang malusog na populasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion