Nilinaw ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman na hindi uubrang iakyat pa sa Supreme Court (SC) ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon sa veteran lawmaker, habang maaga pa lamang ay pinapayuhan niya ang mga nais tumakbo sa SC para kuwestyunin ang constitutionality ng MIF na hindi ito diringgin ng Korte Suprema.
Aniya, bagamat hindi pabor sa timing ng MIF wala umanong nakikitang ‘constitutional infirmity’ si Lagman sa panukalang batas.
Dagdag pa nito, na kung pagbabatayan ang jurisprudence (Tañada vs. Tuvera, December 29, 1986; Garcia vs. Executive Secretary, April 2, 2009; Garcia vs. Drilon, June 25, 2013; and KMU vs. Aquino, April 2, 2019), hindi nangingialam ang SC sa polisiya o wisdom ng isang statute o batas.
Kung itutulak man aniya ang pagbabago sa MIF ay kailangan itong idaan sa amyenda ng naturang panukalang batas.
Nanindigan naman si Lagman, na ang ang ipinapanukalang P500 billion funding ng MIF ay mas maiging gamitin sa iba pang basic socio-economic services at infrastructure development ng pamahalaan. | ulat ni Kathleen Forbes