Posibleng hindi makaapekto sa presyo ng mga bilihin sa Pilipinas ang plano ng Saudi Arabia na ibaba sa 9 million barrels per day ang kanilang petroleum output sa buwan ng Hulyo, mula sa 10 million barrels per day noong Mayo.
Ito ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual ay dahil maituturing na defensive move o binabalanse lamang ng Saudi ang supply at demand sa langis, upang hindi magtuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo nito.
Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwang ng kalihim na nangangahulugan lamang ito na kung walang magiging pagbabago sa presyo ng langis sa bansa, hindi rin tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Ganoon naman iyon eh, supply and demand kung mataas iyong supply compared sa demand, mababa ang price. Kung mas mataas iyong demand kaysa sa supply tataas ang price ‘no. So iyon nag bina-balance ng mga producers.” — Secretary Pascual
Ibig sabihin ayon sa kalihim, dahil pinipigilan lamang ng Saudi na mas mataas ang supply ng langis kumpara sa demand nito posible na maging neutral o manatili lamang ang presyo ng langis, kung nasaan ito sa kasalukuyan. | ulat ni Racquel Bayan