Mananatiling bukas tuwing Sabado at Linggo ang punong tanggapan sa Camp Crame at satellite offices ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO), Civil Security Group (CSG) para sa paglilisensya ng baril at iba pang firearms-related services simula sa Hunyo 10.
Ayon kay CSG director Brig. Gen Benjamin Silo Jr. ito ay para mabawasan ang bilang ng “loose firearms” na resulta ng mga nag-expire na rehistro.
Paliwanag ni Silo, maraming gun owners ang nagrereklamo na hindi nila ma-renew ang kanilang mga lisensya dahil abala sila sa trabaho at dahil sa hirap ng paradahan sa Camp Crame tuwing weekdays.
Kaya aniya para maging mas kumbinyente sa publiko, maari na silang magpunta sa CSG One Stop Shop sa Camp Crame tuwing weekends, kung kailan maluwag ang parking; o kaya ay sa iba’t ibang mga sattelite office at stakeholder assistance center sa mga mall.
Ayon pa kay Silo, inaprubahan na ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang pagpapalawig ng naturang serbisyo kahit matapos na ang Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE), sa pagsulong ng commitment ng PNP na maghatid ng mabilis, episyente at mahusay na serbisyo sa publiko.
Sinabi naman ni FEO Chief Brig. Gen Paul Kenneth Lucas, na simula ngayong Sabado ang magiging extended working hours ng kanilang mga tanggapan ay alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon; at ang cut-off time para sa Neuro-Psychiatric at Drug Testing ay alas-dos ng hapon. | ulat ni Leo Sarne
📷: PNP-FEO