Kapwa kinondena ng Department of National Defense (DND) at Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity ang pag-atake ng NPA gamit ang anti-personnel mine na nagresulta sa pagkamatay sa dalawang sibilyan sa Las Navas, Northern Samar noong June 3.
Sa isang statement, sinabi ni DND Spokesperson Arsenio Andolong na ang paggamit ng anti-personnel mine ay lantarang paglabag sa International Humanitarian Law ng mga teroristang komunista.
Sinabi naman ni Acting Presidential Peace Adviser Secretary Isidro Purisima na ang hindi-makataong pag-atake ng NPA ay walang ibang silbi kundi maghasik ng takot, galit, at kawalan ng tiwala sa mga mamamayan, na walang lugar sa isang sibilisadong lipunan.
Kapwa naman ipinaabot ng dalawang opisyal ang pakikiramay ng pamahalaan sa pamilya ng mga biktimang sina Roel Lebico at Jerson Cabe, na pauwi lang mula sa trabaho nang mangyari ang brutal na pag-atake ng NPA.
Nanawagan naman si Purisima sa mga responsable sa insidente na tigilan na ang siklo ng karahasan; habang siniguro naman ni Andolong na susuportahan ng DND ang lahat ng pagsisikap upang mapanagot sa hustisya ang mga salarin. | ulat ni Leo Sarne