Handang sumunod ang mga vendor kung sakaling kukumpiskahin at tuluyan nang ipagbabawal ang bentahan ng lato-lato.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas team, may iilan pang nagbebenta ng lato-lato gaya dito sa Litex Market.
Ayon sa vendor na si Mang Nor, hindi pa niya alam na bawal na ang pagbebenta ng lato-lato.
Wala naman daw itong problema tutal ay matumal na rin daw ang bentahan ng naturang laruan ngayon.
Hindi kasi tulad noong kalakasan pa ay paunti-unti na lang ang bumibili sa ngayon ng lato-lato dahil hindi rin naman daw madaling masira ito.
Kung noon nga ay umaabot sa ₱1,000 ang kita niya sa isang araw, ngayon ay maswerte na kung umabot ng ₱500.
Una nang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na kailangan nang ipatigil ang bentahan ng lato-lato dahil wala umano itong certificate of product notification mula sa Food and Drugs Administration (FDA). | ulat ni Merry Ann Bastasa