Nagpahayag din ng kanilang mainit na pagtanggap ang National Security Council (NSC) sa pagkakatalaga kay Atty. Gilbert “Gibo” Teodoro bilang nagbabalik na Kalihim ng Department of National Defense (DND).
Ayon kay National Security Adviser, Secretary Eduardo Año, kumpiyansa silang epektibong magagampanan ni Sec. Teodoro ang mga tungkuling nakaatang sa kaniyang posisyon.
Giit ni Año, hindi matatawaran ang malawak na karanasan ni Teodoro pagdating sa karanasan kaya’t tiwala silang malaki ang maiaambag nito sa kanilang mga isinusulong.
Kabilang na aniya rito ang kampanya ng pamahalaan kontra terorismo gayundin ang pagtataguyod ng karapatan at soberanya ng Pilipinas sa harap ng tensyon sa West Philippine Sea.
Tiwala si Año, na magiging maganda ang ugnayan ng NSC at DND sa pagharap sa mga hamon sa pambansang seguridad.
Kinuha rin ni Año ang pagkakataon upang pasalamatan si dating Defense Officer-In-Charge, Senior USec. Carlito Galvez Jr. sa pagtitiyak nito ng maayos na operasyon ng kagawaran sa panahon ng kaniyang panunungkulan. | ulat ni Jaymark Dagala