Para mapalakas pa ang industriya ng pagsisibuyas sa bansa ay itinutulak sa Kamara ang pagtatatag ng Onion Competitiveness Enhancement Fund (OCEF).
Salig sa House Bill 8462, lahat ng kita mula sa binabayarang taripa ng mga inaangkat na sibuyas ay ilalaan para sa onion farmers at onion industry.
Kasama rito ang kanilang farm inputs at kagamitan, production technology, pautang, crop protection, dagdag na cold storage facilities, marketing, at iba pa.
Para naman matiyak na naipatutupad at nagagamit ng tama ang OCEF, ang Committee on Agriculture, Appropriation at Finance ng Kamara at Senado ay magsasagawa ng periodic review ng paggamit sa OCEF.
Magtatagal ng siyam na taon ang buhay ng naturang pondo at oras na magtapos na ang effectivity, anomang tirang pondo ay hindi isasaoli sa General Fund ng pamahalaan bagkus ay patuloy pa ring gagamitin para sa onion industry.
Isinulong nina Agriculture and Food Committee Chair Mark Enverga, Appropriations Senior Vice-Chair Stella Quimbo, at Appropriations Chair Elizaldy Co ang pagbuo ng OCEF kasunod ng marathon hearing na isinagawa ng Kamara tungkol sa pagsipa ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon at presensya ng onion cartel.
Mayroon pa rin kasi anilang pangangailangan para sa pag-aangkat ng sibuyas at ang OCEF ang susuporta sa ating mga magsisibuyas para makapag-compete sila sa global market.
“While evidence collected during the hearings point to the need for enhanced anti-cartel enforcement as well as long-term solution to the high prices of onions, short-term interventions are necessary, including importation of the onions,” saad sa explanatory note ng panukala.
“It is important however that onion farmers will benefit entirely from the tariff revenues. Hence, this bill seeks to establish an Onion Competitiveness Enhancement Fund to support local farmers and boost their production efficiency, so that in the long-run, they are sufficiently capacitated to compete globally,” dagdag ng mga mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes