Sisiguruhin ng pamahalaan na magpapatuloy at mapag-iigting ang produksyon ng agricultural sector ng bansa.
Sa ganitong paraan kasi ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., matitiyak ang patuloy na operasyon ng mga Kadiwa ng Pangulo stores, sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon sa pangulo, ang usapin sa produksyon at supply ang kasalukuyang problema ng Kadiwa program.
“Productivity. The problem of the Kadiwa program now is production, supply. Kulang ang production natin.” —Pangulong Marcos.
Ang mga usapin ring ito, ayon kay Pangulong Marcos ang dahilan, kung bakit kailangan pang mag-angkat ng mga produkto ng bansa, at kung bakit hindi maibigay sa mga mamimili ang nais nilang presyo ng agricultural produce.
“Kaya kailangan ang bubuhay sa Kadiwa ay ang increased production of all agricultural commodities.” —Pangulong Marcos.
Pagbibigay-diin ng pangulo, ang DA, patuloy sa paghahanap ng mga paraan, upang mapag-igting pa ang produksyon ng agri sector ng bansa.
“And that’s why we are going to partnerships, PPP partnerships, with some big groups, some small groups, some locals, some international para mabigyan tayo ng tulong para nga doon sa value chain na mabuo natin.” —Pangulong Marcos.| ulat ni Racquel Bayan