Panibagong panukalang batas ang inihain sa Mababang Kapulungan para ibalik sa dati ang school calendar.
Pinangunahan ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang paghahain sa House Bill 8550 kung saan ibabalik sa June hanggang March ang school calendar.
Sa ilalim ng panukala, ang School Year 2024-2025 ay magsisimula sa unang Lunes ng Hunyo.
Ayon kay Castro, napatunayan na hindi angkop lalo na sa kalusugan ng mga guro at mag-aaral ang August to May na pasok sa eskuwela dahil sa exposure sa matinding init tuwing summer months.
Maliban dito, hindi na rin aniya nakakatulong ang mga bata sa pagtatanim sa mga palayan dahil may pasok sila kapag planting at harvest season.
“The return to the June to March school calendar will not only improve the quality of education but will also benefit our farmers by allowing students to participate in planting and harvesting activities during the appropriate season,” ani Castro.
Umaasa naman ang lady solon, na agad itong diringgin at susuportahan ng mga kasamahan sa Kamara. | ulat ni Kathleen Forbes