Makakaasa ang Pilipinas ng patuloy na suporta mula sa pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) partikular para sa mga programang pang-kalikasan at pang-ekonomiya nito.
Sa courtesy call sa Malacañang, sinabi ni UAE Ambassador to the Philippines H.E. Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi, na maraming kumpanya sa UAE ang nais na magtayo ng negosyo sa Pilipinas, at ipakilala sa bansa ang bagong programa para sa pagpapalitan ng impormasyon na ipinatutupad na rin sa kanilang bansa.
At naipakilala na rin sa Egypt, Espanya, Jordan, at iba pang bansa.
“This program is to exchange information (between our) countries. We have more than 40 countries now in this program. It’s a government exchange program by the Office of the Prime Minister,” — Ambassador Mohamed.
Inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Executive Secretary Lucas Bersamin na bumalangkas ng Executive Order para sa programang ito.
Nag-alok rin ang UAE sa Philippine National Police (PNP), upang aralin ang cybercrime-related cases kabilang na ang scholarship program para sa police officers.
Samantala, umaasa rin aniya sila sa pagiging miyembro ng Pilipinas sa Global Mangrove Alliance kung saan magbi-benepisyo ang pamahalaan, lalo at prone ang bansa sa kalamidad at sakuna.
Makakatulong rin ito sa management ng waterways ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Pangulong Marcos na magiging maganda para sa Pilipinas ang pagsali sa alyansang ito, lalo at puspusan rin ang effort ng gobyerno upang i-preserve at i-restore ang mangrove ecosystem ng bansa.
Samantala, ginamit rin ng UAE official ang pagkakataon upang imbitahan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2023 United Nations Climate Change Conference na gaganapin sa Expo City sa Dubai. | ulat ni Racquel Bayan