Nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa malaking papel na ginampanan ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry upang makarating sa bansa ang mga unang bakuna kontra sa COVID-19.
Sa talumpati ng Chief Executive sa oath taking ng mga bagong opisyales ng FFCCCII sa Malacañang, inihayag ng pangulo na ang pagdating ng mga unang Sinovac sa Pilipinas ay nagawa sa tulong na din ng kanilang pederasyon at pribadong kapasidad ng kani-kanilang korporasyon.
Mula doon sabi ng pangulo ay nagsimula ang proseso ng pagbabakuna at ito sabi ng Punong Ehekutibo, ay hindi malilimutan ng taong bayan.
Napakalaking tulong aniya ang naibigay na ito ng Filipino-Chinese community na kanyang ipinagpapasalamat sabi ng Presidente lalo’t kailangang-kailangan talaga ng gayung asiste ng mga panahong yaon ng pandemya.
Makakaasa naman aniya ang pederasyon na laging nakasuporta ang kanyang administrasyon sa relasyon at partnership sa pagitan ng pamahalaan at ng FFCCCII. | ulat ni Alvin Baltazar