Kasama rin sa mga nais isulong ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo oras na pormal na magsimula sa pwesto ay ang mga panukala para sa kapakanan ng mga media.
Ayon kay Tulfo, maraming mga nailatag na panukalang batas si dating ACT-CIS Rep. Nina Taduran na nabinbin, kaya posibleng buhayin at isulong niya muli ang mga ito.
Isa na rito ang pagbibigay ng retirement benefits sa media workers.
Punto nito na hindi lang mga reporter o writer ang sasaklawin ng retirement benefit ngunit lahat ng nagta-trabaho sa media organization kasama ang mga driver, cameraman, technicians at iba pa.
Bukas din si Tulfo na suportahan ang decriminalization ng libel.
Aniya marami nang panukalang batas ang kasalukuyang nakahain patungkol dito at kailangan na lamang tutukan.
Sa ngayon kasi, batid ng bagong mambabatas na mas inuuna ang mga priority legislation ng Marcos Jr. administration na nakatutok sa poverty alleviation. | ulat ni Kathleen Jean Forbes