Target na maipatupad na bago matapos ang taong ito ang panukalang pagkakaroon ng value added tax (VAT) refund para sa mga dayuhang turista na mamimili dito sa ating bansa.
Ngayong araw, tinalakay ng Senate Committee on Ways and Means ang panukalang ito.
Sa naging talakayan, sinabi ni Department of Tourism Undersecretary Shereen Pamintuan na naniniwala ang DOT na makakatulong ang panukala para unti-unting makilala ang Pilipinas bilang shopping destination.
Sa datos, kabilang ang Pilipinas sa iilang bansa sa Asya na wala pang value added tax (VAT) refund.
Ayon kay Committee Chairman Senador Sherwin Gatchalian, sa ilalim ng panukala ang VAT refund ay applicable lang sa single receipt ng mga produktong binili sa bansa na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3,000.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi kasama sa mga pwedeng pag-applyan ng VAT refund ang mga produktong kinokonsumo.
Target ring gawing digital ang proseso ng tax refund para maiwasan ang mga kaso ng fraud o panloloko.
Ibig sabihin babalik ang 12 percent VAT ng mga mag-a-avail ng refund sa mga e-wallet, credit card, at iba pang digital payment method.
“Kapag bumili sya ng item, one time, eligible na sya for VAT refund so pwede nang dalhin sa airport ang resibo at ibabalik sa kanya 12 percent binayaran niya. What we envision is digital, lahat digital na. Wala nang cash na ibabalik at wala nang pipirmahang mga papeles, so lahat ito digital na. Pwedeng durable goods, ibig sabihin lahat ng products pwede. Ang hindi lang pwede yung consumption, food, mga kinakain. Kasi ang theory dito ang binibili mong mga gamit ibabalik mo sa bansa mo, ilalabas mo, so parang export siya, so eligible ka ng refund sa binili mong gamit na ie-export mo. Kasi ang konsepto mag-attract ng foreign tourist to come in to the country.”- Sen. Gatchalian
Sa ngayon ay bubuo na ang Senate panel ng technical working group (TWG) para sa panukala at inaasahang maiprepresenta na ito sa plenaryo ng Senado sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa Hulyo.
Matatandaang aprubado na ang VAT refund bill sa Kamara.| ulat ni Nimfa Asuncion