Muling humirit si Northern Samar Representative Paul Daza na repasuhin na ang panuntunan ng Licensure Exams.
Ang pahayag ng kinatawan ay kasunod na rin pahayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na bigyan ng “temporary license” ang nursing graduates na may markang 70% hanggang 74% sa Board exams, para makapagtrabaho sa mga ospital ng gobyerno at punan ang kakulangan sa mga nurse sa bansa.
Kung matatandaan sa isang privilege speech ay una nang tinukoy ni Daza na malaking bilang ang hindi pumapasang nurse sa Licensure Exam ng Professional Regulation Commission (PRC).
Katunayan mula 2017 hanggang 2022, aniya, ang passing rate sa Licensure Exams sa 36 na propesyon ay aabot lamang sa 52.58%, o kalahati ng bilang ng examinees.
Kaya naman suportado aniya niya ang hakbang ng bagong Health secretary ngunit mangangailangan pa rin ng pang matagalang solusyon.
“Ibig sabihin po, kalahati po ng ating mga examinees sa maraming propesyon ay bumabagsak. What our newly-appointed DOH Secretary Teodoro Herbosa said, is correct. The
Professional Regulation Commission (PRC) needs to ‘relax’ the rules. However, the solutions must be long-term rather than stop-gap measures,” ani Daza
Ikinalugod naman ng kinatawan na bukas ang PRC sa mga mungkahi nila para ayusin ang problema.
Isa na aniya rito ang modular approach kung saan ang subject lamang kung saan bumagsak ang isang Board taker ang kaniyang ire-retake. | ulat ni Kathleen Jean Forbes