Magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng Pasay ng isang Mega Job Fair ngayong araw na gaganapin sa Music Hall ng SM Mall of Asia simula mamayang alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Aabot sa higit 2,000 bakanteng trabaho mula sa 50 kumpanya ang naghihintay para sa mga aplikanteng pupunta sa Job Fair.
Mayroon ding one-stop shop na ilalagay ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng NBI, SSS, Pag-IBIG, PhilHealth, PSA, DTI, at PHLPost.
Para sa mga unang beses o magre-renew ng NBI Clearance ay pinaalalahanang magtungo sa website ng NBI na https://clearance.nbi.gov.ph/ para makapagrehistro.
Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan na huwag kalimutan na magdala ng resume, ballpen, at magsuot ng naaangkop na kasuotan.
Mamayang alas-9 ng umaga inaasahan ring darating si Pasay City Mayor Emi Calixto – Rubiano upang saksihan ang nasabing Job Fair. | ulat ni Gab Humilde Villegas