Pinatututukan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Inter-agency Committee on Inflation and Market Outlook, ang presyo ng mga bilihin sa Pilipinas kahit pa patuloy ang pagbagal ng inflation rate sa bansa.
Pahayag ito ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual kasunod ng naitalang 6.1 percent na inflation rate para sa buwan ng Mayo mula sa 6.6 percent noong Abril.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na muling napag-usapan ang inflation rate sa sectoral meeting sa Palasyo kaninang umaga (June 6).
Bagamat wala aniyang ispesipiko o bagong direktiba ang pangulo, pinasisiguro aniya nito na patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga paraan upang mapababa pa ang presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon pa sa kalihim, ang pinakabasehan naman sa pagbagal ng inflation ay ang pagbaba rin ng presyo ng krudo.
“Ang major basis din o cause nung decline in inflation rate is yung pagbaba ng mga prices ng oil, for example, and other commodities that we are importing, pati presyo ng coal, for example, for power generation.” — Secretary Pascual | ulat ni Racquel Bayan