Para kay OFW party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino, naiparamdam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang kaniyang pagpapahalaga sa Overseas Filipino Workers sa unang taon pa lamang niya sa puwesto.
Ayon kay Magsino, pinagtibay ng administrasyong Marcos Jr. ang mga mekanismo upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan sa ibang bansa gayundin ang pagsuporta sa pamilyang naiwan dito sa Pilipinas.
Maliban dito, pinili rin aniya ni PBBM ang isang maaasahang kalihim para sa bagong tatag na Department of Migrant Workers.
“Katulad ng sinabi niya sa kaniyang mensahe noong binisita niya ang Filipino Community sa Washington noong Mayo, ang pagprotekta sa mga OFWs ay ang kaniyang prayoridad, at naipamalas niya ang pangakong ito sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyo na tumulong sa mga OFWs natin sa ibang bansa. Higit sa lahat, naipamalas niya ito sa pagpili ng magaling, sinsero, at masipag na pinuno ng bagong tatag na Department of Migrant Workers — si Secretary Susan “Toots” Ople.” saad ni Magsino
Umaasa naman ang lady solon na sa pagpasok ng ikalawang taon niya sa paglilingkod bilang pangulo, ay maipagpatuloy ang mga polisiya para sa pagprotekta at pagkilala sa sakripisyo ng mga OFW, lalo na sa malaking ambag nila sa ating ekonomiya.
Mahalaga rin aniya na bigyang ngipin ang ating mga bilateral labor agreements na igagalang at susundin ng mga bansang tumatanggap ng mga OFW. | ulat ni Kathleen Jean Forbes