Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng malakas na pagsingaw o steaming activity sa Bulkang Taal.
Sa monitoring nito, umabot sa 3,000 metro ang taas ng plumes na napadpad sa direksyon ng hilaga hilagang-kanluran.
Bukod dito, may naitala ring isang volcanic tremor sa Taal Volcano.
Habang nagluwa rin ng 5,831 tonelada ng sulfur dioxide (SO2) gas o asupre ang bulkan at upwelling ng mainit na volcanic fluids mula sa main crater lake ng bulkan.
Nananatili namang nasa alert level 1 ang Taal Volcano kung saan patuloy na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok ng sinuman sa Taal Volcano Island o TVI, lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures, at pamamalagi sa lawa ng Taal.
Una nang nagbabala ang Phivolcs sa pagtaas ng degassing activity o ibinubugang usok ng bulkang Taal. | ulat ni Merry Ann Bastasa