Hinimok ng Pilipinas ang international community na sama-samang protektahan ang karapatan at kapakanan, pati na rin ang pagbibigay ng ligtas na landas sa mga migrante at refugee sa isinagawang 87th Standing Committee ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), sa Geneva, Switzerland.
Binigyang diin ni Philippine Deputy Permanent Representative Kristine Leilani Salle ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta sa mga refugee hosting communities upang mabigyan ang mga refugee ng kakayahan na makapagtrabaho, kabilang rin ang mga nasa vulnerable situation tulad ng mga kababaihan at mga bata, mga matatanda, at mga may kapansanan na na-displace dahil sa climate change at iba pang mga panganib.
Sa hiwalay na sesyon tungkol sa statelessness, ibinahagi ni Second Secretary Jet Olfato ang mga tagumpay ng Pilipinas upang wakasan ang statelessness tulad ng pagpasok sa 1961 Convention, pag-apruba ng Supreme Court En Banc sa Rule on Facilitated Naturalization of Refugees and Stateless Persons, at ang pagsasabatas ng Foundling Recognition and Protection Act na titiyak na walang batang ipapanganak na stateless.
Ang Pilipinas ay mayroong mahabang kasaysayan ng pagtanggap ng mga refugees, tulad noong panahon ng Holocaust at noong kasagsagan ng Vietnam War. | ulat ni Gab Humilde Villegas